Masakit ang ulo ni Basagulo.

Saturday, January 10, 2004

Kaarawan

Eto nanaman ang araw na nagpapatanda. Kaarawan. Tatlungpo at walong beses na akong umikot sa araw. Hayan, mukhang araw na ako. hahaha Walang kahulugan kung ilang taon na ako. Ang buhay ko ay base sa mga kontribusyon ko sa aking sarili at sa ibang tao na mahalaga sa akin.

Narating ko na ba ang aking patutungguhan? Ng matapos ako ng pagaaral ng enhinyero, plano ko na mayron na akong pamilya, bahay, anak at kung anu-ano pa sa limang taon. Hindi ito nangyari. Medyo masama ang lood ko at hindi ko narating ang mga plano na ito. Wala na akong magagawa, ang panahon ay dumaloy na parang tubig sa aking mga kamay. Kailangan kong i-reimbento ang aking sarili. Sayang ang ipinundar ko sa pagiging-enhinyero, pero patay na ang karerang ito.

Sa payo ng magulang ko at kapatid Ti, nagaral ako ng pagiging-nars. Magwawalong taon na akong nars. Okey naman, pero hanggang ngayon ay hindi ko na binigyan ng plano ang aking buhay. Siguro kailangan kong pagisipan ang aking hinaharap. Magaasawa pa ba ako? mga anak? mga plano sa negosyo? Ang aking pilosopiya sa buhay ay ako ay isang manglalakbay. Lamalakad ako sa kalye ng buhay. Pag may tinidor sa kalye kailangang gumawa ako ng desisyon. Kaliwa, kanan, deretsyo, saan ako pupunta? Saan ako dadalhin ng aking desisyon sa buhay.

Maraming tao ang pilit na bumabalik sa kanilang pinanggalingan. Paulit-ulit na sinasagasaan ang kalyeng dati ng pinuntahan. Para muling magunita ang nakaraan? Para bigyan ng pagkakataon ang mga taon winalang hiya sila? Para magulpi uli o masaktan uli ng mga tao na akala nila ay magmamahal sa kanila? Mga sirang ulo.

Sa kalye ng buhay ay meron akong nasasagasaang mga mababait at mga walang hiyang tao. Nagiging kaibigan ko ang mga mababait at kalaban ko ang mga walang hiya. Marami ring dyamente akong napupulot sa aking paglalakbay. Mga kaisipang pangpalago ng buhay. Sana balang araw ay aking maibigay ang mga dyamenteng ito sa mga pamangkin o anak ko, para sila naman ang makinabang.

Hindi ako bumabalik sa mga situwasyon na alam kong masasaktan lang ako. Maraming tao ang mahilig dito. Susubukan nila hanggang magwagi sila. Kadalasan pagkatalo lang ang kanilang hinaharap.

Ang pagibig ay isa sa mga bagay na hindi ako matagumpay. Siguro meron akong personalidad na hindi sangayon sa mga personalidad ng mga babaeng aking nakikilala at nagugustuhan. Mabuti nalang at wala akong tiyaga na mangligaw na matindihan. Baka pulubi na ako. Magastos ang maglabas ng babae, buti sana kung KKB (kanyakanyang bayad). Kung ayaw nila di huwag. Hindi ito pilitan. Meron din namang mga babae na gusto lang ng libreng hapunan. Okey lang, gutom ang aabutin mo sa akin sa susunod na lumabas tayo. hahaha

Malumanay at masaya naman akong nagiisa. Marami akong proyekto. Sa dami hindi ko alam kung ano ang uunahin. Hindi sarado ang isip ko. Madalas akong may ginagawa pag hindi ako nagtratrabaho. Internet, potograpiya, at pagsulat ng blog. Oh, tatlo lang pala ang panglipas oras ko. Ipapaliwanag ko. Sa potograpiya lang merong mahigit sampong iba't-ibang gawain. Pagkuha ng litrato ng tao-portratista, kasalan, dyornalismo, "nature", "closeup/micro", "black and white", "travel", "sports", pag-printa ng litrato sa "dark room". Hindi mo magagawa lahat na ito sa isang araw. Ang pag-printa ng litrato ay inaabot na ng mahigit lima hanggang walong oras. Walang biro. Nakakapagod, nakakagutom, at nakakahilo. "Art" ito, hindi basta basta lang.